CBCP hinimok ang mga mananampalataya na pisikal na muling magsimba

CAMARINES NORTE- Nanawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa mga mananampalatayang katoliko na bumalik na uli sa pisikal na pagsisimba o pagdalo ng misa sa loob ng simbahan.

Batay ito sa Circular No. 22-36, na inilabas noong Biyernes, na pirmado ni CBCP President at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na ipinadala rin sa lahat ng Obispo at Diocesan Administrator sa buong bansa

Ang naturang circular ay binasa rin nitong Linggo, October 17 sa Holy Trinity Cathedral dito sa bayan ng Daet.

Base sa circular, unti-unti na umanong bumabalik sa normal na pamumuhay ang mga tao matapos ang matinding epekto ng COVID-19.

“With gratitude to God, the pandemic has weakened, and our official health experts have placed the country into more relaxed health protocols. This has made our people move freely and return to their normal life and business with ease, but still following some basic health protocols,” bahagi ng nilalaman ng circular

“These circumstances permit and oblige us to return to the normality of Christian life, which has the Church building as its home of the celebration of the liturgy, especially the Eucharist.” 

Ayon pa dito, bagamat ang online availability at attendance sa Liturgical at Eucharistic celebrations ay naging ‘valued service’ lalo na sa mga may sakit at mga hindi personal na makapunta sa simbahan, hindi pa rin daw nito mapapalitan ang pisikal na pagdalo sa pagdiriwang ng banal na misa na siyang pinakamataas na uri ng panalangin para sa mga katoliko.

Kaugnay naman nito ay pinatitiyak ni David na dapat pa ring masunod ang mga itinakdang health protocols kontra COVID-19 sa mga simbahan at venue ng liturgical celebrations.

Kailangan din umano ang palagiang catechesis para mahikayat ang mga mananampalatayang pisikal na magsimba sa pamamagitan ng pagpapaliwanag sa mga homiliya.

Pero bago pa man naipalabas ang naturang circular mapapansing nagluwag na rin ng health protocols ang karamihan ng mga simbahan sa Diocese of Daet.

Ang medyo mahigpit na nagpapatupad na lang ngayon ng health protocols ay ang Paroquia De San Juan Bautista sa Daet at Shrine of Jesus the Black Nazarene at Parish of St. Lucy sa Capalonga.

Batay sa datos ng Provincial Covid- 19 vaccination operation center anim na bayan na sa Camarines Norte ang nasa ilalim ng Alert Level 1.

Kabilang sa mga ito na matataas na ang vaccination coverage ay ang San Vicente, Daet, Capalonga, Basud, Talisay at San Lorenzo Ruiz.

Ang mga bayan naman na hindi pa umaabot sa 80 percent ng vaccination coverage ay ang Jose Panganiban, Labo, Mercedes at Vinzons.

Habang ang Paracale at Sta Elena ay wala pang 70 percent.

Sa kabuuan nasa 81 percent na ng 434, 382 na target population sa lalawigan ang nabakunahan na kontra COVID- 19.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *