Itinanghal ang Cauayan City National High School-Main bilang Most Sustainable BE School Implementer sa Region 2 sa katatapos na 1st Virtual Brigada Eskwela Award 2020.
Ito ang kinumpirma sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Schools Division Superintendent Dr. Alfredo Gumaru Jr. ng SDO Cauayan.
Aniya, nalagpasan na ng nasabing eskwelahan ang hall of fame matapos manalo ng 6 na beses na magkakasunod na taon sa parehong parangal.
Ayon naman kay CCNHS-Main School Principal III Primitivo Gorospe, mula umano noong 2014 ay hall of famer na ang paaralan sa Brigada Eskwela at nang nagkaroon muli ng contest para sa mga hall of famer school noon ay nanalo muli ng 3 magkakasunod na taon ang CCNHS-main.
Aniya, ngayong taon na ang pang-anim na pagkapanalo ng paaralan bilang most sustained brigada implementer sa Brigada Eskwela.
Dagdag pa ni Principal Gorospe, tatlong criteria umano ang pinagbasehan ng DepEd Region 2 na kanilang natugunan kung saan 40% sa Brigada Eskwela partnership engagement activities, 30% sa generated resources related to COVID-19 at bayanihan effort upang masuportahan ang Basic Education Learning Continuity Plan Implementation ng paaralan.
Samantala, aniya, matapos ang natanggap na parangal ay didiretso na ang eskwelahan sa pagiging National Awardee sa mga susunod na buwan sa gaganaping National Awarding sa mga Best Implementer ng Brigada Eskwela 2020 na nanalo sa bawat rehiyon ng bansa.