CHED, tiniyak na magpapatuloy ang implementasyon ng Free Tertiary Education sa kabila ng pahayag ng isang economic manager na anti-poor ang programa

Mistulang kinontra ng Commission on Higher Education o CHED ang pahayag ni Finance Secretary Benjamin Diokno na hindi sustainable at anti-poor ang Universa Access to Quality Tertiary Education Act of 2017.

Sa pagdinig ng House Appropriations Committee sa 2024 proposed budget ng CHED na nagkakahalaga ng 29.68 billion pesos, natanong ng mga kongresista si Chairperson Popoy De Vera kung ano ang kanyang reaksyon sa inihayag ni Diokno.

Pagtitiyak ni De Vera, magpapatuloy ang implementasyon ng libreng matrikula sa kolehiyo dahil nagbigay na ng commitment si Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang State of the Nation Address.

Nagbubunga na aniya ang pagpapatupad ng programa at patunay ang unang henerasyon ng nagsipagtapos na hindi na ipapasa sa magiging mga anak ang naranasang kahirapan.

Bagama’t hindi direktang tinutulan ang paninindigan ni Diokno, iginiit ni De Vera na ang Free College Tuition ang pinakamabisang anti-poverty strategy.

Dagdag pa nito, malaki ang magiging epekto sa sektor ng edukasyon kung tatanggalin ang programa lalo’t lumabas sa pag-aaral ng World Bank na nasa 17 percent ang iniaangat ng economic returns sa tuwing may nagtatapos sa kolehiyo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *