Church official may babala sa labis na panonood ng telebisyon at pagkagumon sa pagamit ng gadget

CAMARINES NORTE- Nagbabala si Diocese of Daet Bishop Rex Andrew Alarcon hinggil sa labis na pagkagumon ng mga tao ngayon sa panonood ng telebisyon at pagamit ng gadget.

Ayon kay Bishop Alarcon, Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Youth, napakalakas ng impluwensiya ng telebisyon at may mga pagkakataong kahit sa pagkain nahihirapan ang mga magulang na tawagin at ipunin ang kanilang mga anak dahil dito na ang mga ito nakatutok.

At dahil sa modernong panahon hindi na lang ang telebisyon ngayon ang nagsisilbing “distraction” lalo na sa mga bata kundi nanganak pa ito dahil sa cellphone, computer at social media.

Ang mga ito aniya ay mayroon nang permanenteng lugar sa bahay at madalas ay hindi na napapansin ang mga kalabisang dulot ng mga ito.

Hindi naman aniya ito masama pero dapat na mag- ingat dahil baka hindi na umano namamalayan na nahuhulog na pala tayo sa tinatawag na “idolatry” o tila nagiging diyos- diyosan na ang mga ito.

Mayroon na rin umano ngayong tinatawag na “modern day hermits” na hindi na halos lumalabas ng kwarto at puro computer na lang ang inaatupag.

Ngayong panahon ng pandemya kung saan nasa bahay lang ang marami, minsan umano ay labis nang nagugumon lalo na ang mga bata sa gadget at ayaw magpa istorbo.

Laganap na rin umano ngayon ang kultura ng pagkakanya- kaniya at kawalan ng pakialam sa kapwa.

“Ano ang nararamdaman natin ngayon, lalo na wih this pandemic,  with gadget di ba, yung kinatatakot mo pag nakikita mo yung apo mo naglalaro naku hindi mo maistorbo,” ani Alarcon.

“And now very strong yung indifference, huwag niyo akong pakialaman di ko kayo pakikialalaman, kaniya- kanya na lang tayo.”

Kaugnay nito, hinimok ng obispo ang lahat na magkaroon ng “sense of community” at matutong magsakpripisyo para sa kapwa.

“There must be a sacrifice, mahirap ang unity sa mga mag asawa kung walang sakripisyo, kahit sa magkapatid o magkaibigan o kahit sa isang organisasyon, sacrifice ay kailangan so that there will be communion.”

“We need to build not only houses but united families, friendship, community, where there is pagdamay, tunay na pakikisama at malasakit, pagbibigay at pagbabahagi”.

Sinabi ito ng Obispo sa isinagawang Pontifical Mass sa pagdiriwang ng Blessed Trinity Sunday kahapon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *