Cities and Municipalities Competitiveness Index, inilabas ng DTI; Bayan ng Labo nakuha ang ikapitong puwesto sa mga umunlad na munisipalidad sa bansa

CAMARINES NORTE- Nakuha ng bayan ng Labo, Camarines Norte ang ika-pitong puwesto sa mga umunlad na munisipalidad sa bansa o Most Improved Municipalities para sa taong 2022.

Ito ay batay sa inilabas ng Department of Trade and Industry o DTI na Cities and Municipalities Competitiveness Index na  isinasagawa taon taon upang madetermina ang pagsulong ng kabuhayan ng mga  bayan, lungsod at mga lalawigan sa bansa.

Batay sa ulat ng DTI, tumaas sa rank 173 ang munisipalidad ng Labo mula sa dating puwesto nito na ika-457 sa Competitiveness Index ng mga first class municipalities noong 2021.

Dahil dito nakakuha ng gradong 284 sa rank improvement ang Labo kaya nalagay ito sa ika-pitong puwesto sa kategoriya ng Most Improved Municipalities sa mga primerang klaseng bayan sa buong bansa

Sa kasalukuyan, may 1,489 na mga bayan ang Pilipinas kung saan kabilang ang munisipalidad ng Labo sa itinuturing ng DTI sa isa sa pinakamabilis ang pag-angat ng kabuhayan.

Samantala kabilang din sa naturang ulat ng DTI ang pag-angat ng ekonomiya ng Camarines Norte na ngayon ay rank 48 na mula sa rank 65 noong 2021.

Kabilang sa pinagbabatayan ng DTI sa ranking ng kabuhayan ng 82  probinsya sa bansa  ay ang aspeto ng income o kita ng isang lalawigan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *