City Health Office nagpaalala muli sa publiko na wag magpakampante dahil sa COVID-19, Rollout vaccination naman para sa mga senior citizen ikakasa ngayong araw!

SIMULA ngayong araw ay aarangkada na ang rollout vaccination para sa mahigit dalawamput isang libong mga senior citizen sa Cotabato City.Ayon kay City Health Officer Doctor Meyasser Patadon, may mga karagdagang 500 vaccines ang dumating na syang gagamitin para ngayong araw.

May pitong paaralan na rin sa lungsod ang gagawing vaccination area dahil hindi anya magkakasya kung sa City Vaccination Hub gagawin ang inoculation.Samantala, aminado naman si Doc Patadon na bahagyang tumaas ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod nitong mga nakaraang mga araw at linggo.

Isa sa mga nakikitang sanhi ng opisyal ay ang pagiging kampante ng mga residente sa kasalukuyan kaya hinikayat muli nito ang publiko na wag pa ring magpakampante lalo na at mayroon namang bagong variant ang COVID na pinangangambahan ngayon ng mga health official sa bansa.

Masayang ibinahagi naman ni Patadon na hanggang sa mga pag-uulat na ito ay wala pang naitatalang bagong variant ng COVID-19 ang Cotabato City.Bagamat may mga suspicious sample ang agad na ipinapadala ng Cotabato Regional and Medical Center o CRMC COVID lab sa Maynila para sa genomic sequencing study at magandang balita anya dahil lahat ng mga ito ay negatibo sa bagong variant.(Jom Dimapalao)Si Doc Patadon kasabay ng pag-iinspeksyon nito sa mga bakuna kontra COVID-19.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *