Clearing operation sa lahat ng munisipyo on- going ayon sa DILG

CAMARINES NORTE- Nagpapatuloy umano ang road clearing operation sa lahat ng munisipyo sa lalawigan ng Camarines Norte.

Ayon sa Provincial Office ng Department of the Interior and Local Government (DILG)may inilabas daw kasing latest issuance ang ahensiya ukol dito.

Mababatid na noon pang nakaraang linggo ay umarangkada na ang road clearing operation sa bayan ng Daet.

Noon Miyerkules ay nagsagawa muli ng orientataion ang DILG sa bayan ng Daet patungkol sa road clearing at mayroon na umanong mga aktibidad ang LGU ukol dito.

Gayunman, kapansin- pansin pa rin ang mga obstruction tulad na lamang sa kahabaan ng Mercedes Road na mistulang ginawa nang pila ng mga tricycle at minsan ay sa magkabilang bahagi pa ng kalsada.

Sa bayan naman ng Basud ay mahigpit nang ipinatutupad ng LGU ang pagbabawal na magkaroon ng pila sa tricycle sa tabi ng Maharlika Highway.

Madalas kasi na nagkakaroon ng pila sa tapat pa man din ng munisipyo lalo na kapag oras na ng uwian ng mga empleado.

Ngayon kaniya- kaniyang diskarte ang mga tricycle driver para hindi mahuli.

Kung maaalala ay una nang nakipagpulong si Mayor Adrian Davoco sa mga TODA noon Setyembre pa ng nakaraang taon para ipaliwanag ang tungkol sa muling pagpapaigting ng road clearing operations.

Dito ay tiniyak ng opisyal na sinisikap ng LGU na mailagay sa tama at ayusin ang mga dapat pang ayusin at isa na dito ang tricycle.

Plano ng LGU na magkaroon na lang ng sariling terminal ang mga tricycle na kung saan- saan lang nakapuwesto.

Alinsunod sa Memorandum Circular 2022- 065 ng DILG ipinagbabawal ang pagtatayo ng basketballĀ  court sa kalsada, mga sasakyang naka- park sa maling lugar, rolling store sa bangketa, pagbibilad ng palay sa kalsada, nakatambak na basura at iba pang uri ng obstruction.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *