COA, humihingi na ng tulong sa pag-monitor ng paggamit ng confidential funds ng mga ahensya ng gobyerno

Nagpapasaklolo na ang Commission on Audit sa pag-monitor ng paggamit ng confidential funds ng mga ahensya ng gobyerno.

Nabatid kasi sa plenary debates ng Kamara para sa 2024 proposed budget ng COA na kulang ito sa mga personnel na naatasang mag-monitor sa mga ahensyang nabigyan ng confidential at intelligence funds.

Ayon sa sponsor ng COA budget na si Marikina City Second District Representative Stella Quimbo, nahihirapan ang mga tauhan na gampanan ang tungkulin dahil siyam na lang ang miyembro ng Intelligence and Confidential Fund Audit Unit.

Malayo ito sa “ideal” na dalawampu’t pitong personnel kaya humihiram na lang ang ICFAU ng staff mula sa ibang units ng COA.

Tanong ni Albay Representative Edcel Lagman, mas makabubuti ba kung bawasan na lang ang kabuuang confidential at intelligence funds ng mga ahensya o dagdagan ang staff ng ICFAU.

Giit ni Quimbo, igagalang ng COA anuman ang magiging pasya ng Kongreso pero ang malinaw ay nangangailangan ito ng tulong sa monitoring lalo’t karamihan sa ICFAU personnel ay lumipat na ng trabaho o kumpanya.

Obligado ang mga ahensya ng gobyerno na magsumite ng liquidation reports kada quarter upang masuri kung paano ginasta ang confidential at intelligence funds.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *