Coast Guard personnel idi- deploy sa ilang mga sementaryo simula ngayong araw para sa Undas 2022

CAMARINES NORTE- Magpapakalat ng mga tauhan ang Philippine Coast Guard sa ilang mga sementeryo sa lalawigan ng Camarines Norte simula ngayong Lunes, October 31 hanggang sa mismong araw ng Undas.

Sa naging panayam ng Brigada News FM Daet kay Chief Petty Officer Mario Allan Rosales, Public Information Officer ng Camarines Norte Coast Guard Station, inihayag nito na magiging katuwang sila ng PNP sa pagtitiyak ng kaayusan sa mga sementeryo partikular sa Mercedes at Vinzons.

Nakipag ugnayan na umano ang Coast Guard sa PNP upang ilatag ang kanilang deployment plan upang maging synchronized at organisado ang kanilang magiging mga hakbang.

Matatandaan na simula pa noong October 24 ay activated na ang Oplan Biyaheng Ayos alinsunod na rin sa direktiba ng Department of Transportation (DOTr).

Sa harap na rin ito ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan na uuwi sa kani-kanilang probinsya para bumisita sa puntod ng kanilang mahal sa buhay na yumao.

Naglagay na rin ang Coast Guard ng Malasakit Help Desk sa Mercedes Fish port, gayundin sa Paracale, Vinzons at Jose Panganiban.

Nagpaalala rin si Rosales sa mga pupunta sa sementaryo na magsuot ng face mask para na rin proteksyon kontra COVID- 19 sa gitna ng pagluluwag sa face mask mandate.

Sisitahin pa rin ang mga walang suot na face mask sa sementeryo bilang pagtugon na rin sa panawagan ng Provincial Health Office.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *