Cold storage facility sa bayan ng Bulan, Sorsogon sisimulan na ngayong buwan

SORSOGON CITY – Kinumpirma ng lokal na pamahalaan ng Bulan, Sorsogon na sisimulan na ngayong buwan ang pagtatayo ng Cold Storage Facility sa kanilang bayan.

 Tutuldok umano ito sa matagal nang problema ng mga mangingisda tuwing nagkakaroon ng over-supply ng isdang tamban o ‘lawlaw.’

Sa panayam ng Brigada News FM-Sorsogon kay Mayor Romeo Gordola, sinabi nito na ilang taon na rin ang kanilang ginugugol upang makahanap ng isang investor na mamumuhunan sa bayan para sa naturang pasilidad at nangyari lamang ito dahil sa suporta ng Pamahalaang Panlalawigan.

Aniya, pangangasiwaan ang nasabing pasilidad ng  Fortune Group Corporation na itatayo naman sa Barangay San Isidro ng nasabing bayan.

May lawak itong isang ektarya na mayroong kapasidad na mailagay ang 30 ten-wheeler trucks. Sa pamamagitan nito, tiyak umano na hindi na darating sa punto na itinatapon na lamang ang mga huling isda dahil sa pagiging bilasa na ng mga ito dahil sa kawalan ng sapat na cold storage facility sa nasabing bayan.

PHOTO: Pagpupulong ng Fortune Group Corporation kasama si Governor Chiz Escudero, Bulan Mayor Meo Gordola at Bokal Arze Glipo. – Sorsogon Provincial Information Office (SPIO)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *