Comelec nagbabala sa premature campaigning sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections

CAMARINES NORTE- Nagbabala ang Commission on Elections sa mga kandidatong maagang mangangampanya para sa October 30, 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Election Officer III Annelyn Abanes ng Comelec Speaker’s Bureau na bagamat maaga ang filing ng Certificate of Candidacy na itinakda sa July 3- 7 ay hindi pa maaaring mangampanya ang kandidato.

Ayon kay Abanes alinsunod sa Comelec Resolution No. 10899 itinakda ang campaign period sa October 19- 28.

Dito pa lamang umano maaaring mangampanya ang mga kandidato.

Una na ring nagbabala si Comelec Chairman George Erwin Garcia, na base sa Omnibus Election Code (OEC) ay binibigyan lang ng sampung araw ang mga kandidato sa BSKE para mangampanya.

Anumang “electioneering activity” bago ang campaign period ay maikukunsidera umanong premature campaigning.

Ang sinumang mapapatunayang lumabag ay maaaring makulong ng isa hanggang anim na taon at hindi na pwedeng humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *