COMELEC, nanawagan sa susunod na Kongreso na amyendahan ang komplikadong sistema sa party-list

Umapela ang Commission on Elections sa mga mambabatas ng susunod na Kongreso na kung maaari ay amyendahan na ang batas para sa pagtatalaga ng mga uupo sa Kamara na magmumula sa mga mananalong party-list tuwing halalan.

Sa isang panayam, sinabi ni COMELEC Commissioner George Garcia na mayroon pa ring ‘loophole’ pagdating sa formula ng Korte Suprema sa mga bibigyan ng House seat sa mga party-lists.

Sa ngayon kasi, ang guarranteed na magkakaroon ng isang puwesto sa Kamara ay ang mga party-list na nakakuha ng 2% na boto pataas.

Ayon kay Garcia, mayroong kalituhan na naidudulot ang kompyutasyon ng mga representative na magmumula sa party-lists kaya raw dapat ay magkaroon na ito ng kalinawan sakali mang amyendahan na ang batas para rito.

Repleksyon din aniya rito ang mababang bilang ng mga boto sa party-list – kung ikukumpara sa kabuoang bilang ng mga botante.

Sa kasalukuyan aniya, ang tiyak lamang ay mayroon nang tatlong congressman na iluluklok mula sa top 1 party-list.

Samantala, inaaral na umano ng National Board of Canvassers ng COMELEC na magkaroon na muna ng ‘partial proclamation’ para sa mga mananalo sa Senado.

Ibig-sabihin, maaaring kalahati muna mula sa 12 senators ang pormal na idedeklarang panalo.

Hinihintay naman ngayong araw ang 35 mga certificates of canvass para makapag-proklama na sa senatorial race bukas, araw ng Linggo, o ‘di kaya nama’y sa Lunes.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published.