Comelec tuloy pa rin ang paghahanda sa Barangay at SK elections kahit naipagpaliban na ito sa huling Lunes ng Oktubre 2023

CAMARINES NORTE- Tuloy pa rin ang ginagawang paghahanda ng Commission on Elections kahit pirmado na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Republic Act No 11935 na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa huling Lunes ng Oktubre 2023 na dapat sana ay sa Disyembre 5 nitong taon.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Basud, Camarines Norte Election Officer III Annelyn Abanes, miyembro ng Comelec Speaker’s Bureau sa probinsiya, sinabi nito na kailangan nilang ituloy ang paghahanda sa halalan at sa pagkakataon umanong ito ay mas mahabang panahon ng paghahanda.

Aniya sa ngayon ay wala pang eksaktong petsa kung kailan uli bubuksan ang voters registration pero nauna nang inihayag ng Comelec Central Office na muli itong bubuksan sa huling linggo ng Nobyembre 2022 hanggang sa Mayo ng 2023.

Sa mga panahon ng paghahanda para sa halalan ay mas mahaba- haba umanong panahon ang kanilang gugugulin sa voters education at information campaign dahil marami na namang magiging bagong botante.

Ang ipinagagawa umano sa kanila ngayon ng central Office ay ang pag imbentaryo ng voters registration records.

Ayon pa kay Abanes, kung hindi naipagpaliban ay handa umano ang Comelec na magdaos ng halalan sa Disyembre.

Una na ring inihayag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na tuloy ang paghahanda ng komisyon kahit napirmahan na ang batas na nagpapaliban sa barangay at SK elections.

Maaari daw kasing may kumuwestyon pa sa Korte Suprema ng pagpapaliban ng halalan at mabuting handa ang Komisyon kung sakaling ipatuloy ang eleksyon sa Disyembre 5.

Maglalabas rin daw ang Comelec ng resolusyon para ilatag ang magiging bagong schedule of activities para sa magiging bagong election period, gun ban at iba pa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *