Comelec umapela sa mga botante na iwasang hingi ng hingi sa mga kakandidato sa Barangay at SK Elections

CAMARINES NORTE- Umapela ang Commission on Elections sa mga botante na iwasan ang paghingi sa mga kakandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre.

Ayon kay Election Officer III Annelyn Abanes ng Comelec Speaker’s Bureau isa ito sa kanilang goal sa pagsasagawa ng voters education information campaign ang himukin ang mga botante na huwag namang samantalahin ang panahon ng eleksyon para makapanghingi ng hingi sa mga kandidato.

Tila nagbiro pa si Abanes na mayroon nga raw na makakapagpatayo na ng bahay dahil sa kabi-kabilang paghingi ng pambubong at semento.

Nagpaalala rin ito sa mga kandidato na iwasan ang pre-mature campaigning.

Alinsunod sa calendar of activities ng Comelec bagamat sa August 28 ang simula ng filing ng certificate of candidacy na siya ring pagsisimula ng election period ay bawal pang mangampanya sa panahong ito.

Sa October 19-28 pa ang campaign period at sa panahon pa lamang na ito maaaring mangampanya.

Una na ring nagpaalala ang Comelec Central Office na anumang “electioneering activity” bago ang campaign period ay maikukunsiderang premature campaigning.

Ang sinumang mapapatunayang lumabag ay maaaring makulong ng isa hanggang anim na taon at hindi na pwedeng humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.

Apela ni Abanes sa mga kakandidato na lumaban ng parehas at iwasan ang lumabag sa election laws upang hindi magka problema sa hinaharap.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *