Committee chair on energy and health, umaasang dadalo na ang ALECO sa susunod na sesyon upang linawin ang mga isyu sa kuryente

LEGAZPI CITY – Nagbigay ng pahayag si Committee Chair on Energy and Health at Board Member, Vic Ziga, tungkol sa kanyang plano na ipatawag ang Albay Electric Cooperative, Inc. (ALECO) kaugnay ng mga reklamong natatanggap mula sa mga Albayano na may kinalaman sa patay-sinding kuryente at isyu sa mga bayarin.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Ziga, sinabi niyang kamakailan lamang, bago ang kanilang huling sesyon sa Sangguniang Panlalawigan ay ipapatawag na sana ang nasabing kooperatiba, kaya lamang ay maraming mga conflicts pagdating sa iskedyul, kung kaya’t kinakailangang i-reschedule sa susunod na sesyon.

Umaasa ang opisyal na sisipot at dadalo na ang mga namumuno, partikular na sa general manager at board ng ALECO sa susunod na sesyon na gaganapin bukas upang masagot na ang ilang mga katanungan at makapagpaliwanag.

Marami na kasi umano ang natatanggap na mga reklamo tungkol sa nasabing mga isyu ang kanilang komitiba maging sa sanggunian.

Aniya, nauunawaan naman nila na kakaumpisa palang muli ng nasabing kooperatiba sa operasyon, subalit mas mabuti nang magkaroon ng update ang sanggunian tungkol sa kanilang estado.

Sinabi rin niya na halos wala namang bago tungkol sa mga patay-sinding isyu kahit pa sa nagdaang administrasyon, ngunit iba na at hindi naman maaari kung pauli-ulit na lamang dahil nakakaapekto rin ito sa araw-araw na pamumuhay ng mga tao.

Dagdag pa niya, sana man lang ay mayroong maagang abiso kung magkakaroon ng patay-sinding kuryente; ngunit kung tutuusin naman, ang kuryente sa isang komunidad ay hindi naman dapat palaging nawawala dahil isa ito sa pangunahing pangangailangan.

Samantala, umaasa naman si Ziga na makakapaglabas ng “action plan” ang sanggunian tungkol sa kung paano masosolusyonan ang nasabing suliranin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *