Committee report tungkol sa umano’y pekeng resibo sa quarry sa Albay, naipalabas na ayon sa bise-gobernador

Kumpirmado mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Albay na tapos na umano at naisumite na ang committee report at rekomendasyonpatungkol sa umano’y pekeng resibo sa quarry.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Albay Vice Governor Glenda Ong Bongao, inihayag niyang lahat ng mga record, journals, minutes, at mga report ng Committee on Laws, Rules and Oversight ay naibigay na sa tanggapan ng gobernador, kasama ang Provincial Legal Office para sa kanilang kaukulang aksyon.

Kaugnay ito ng isyung kinasangkutan ni dating OIC Provincial Engr. Clemente Ibo na mayroon umanong mga resibo na umano’y peke na nasa kanyang pangangalaga, at sinabi niyang binigyan siya ng authorization ni dating Albay Gov. Noel Rosal para pangalagaan ito.

Ngunit nang hingan naman sa isang committee hearing sa Sangguniang Panlalawigan ng dokumento para sa nasabing authorization, ay wala naman itong naipakita.

Ayon naman sa bise gobernador, ang otoridad sa kaukulang aksyon para sa nasabing isyu ay ibinibigay na nila sa gobernador at sa legal office upang matanggal at maayos na ang anumang mga usapin.

Layunin din naman umano nila na maging malinis ang pagpapatakbo at ang daloy sa pamahalaan maging sa pangangalaga at pamamahala sa mga quarry.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *