Communal TTMF na pinagdadalhan ng mga asymptomatic at mild case COVID- 19 positive posibleng hanggang sa Hunyo na lang ang operasyon

CAMARINES NORTE- Posibleng hanggang sa Hunyo na lang ang itatagal ng Communal Temporary Treatment Facility (TTMF) para sa 2nd District ng Lalawigan ng Camarines Norte dahil sa kakapusan ng pondo para maipagpatuloy ang operasyon nito.

Ang TTMF na matatagpuan sa bayan ng Vinzons ay ang pinagdadalhan ng mga asymptomatic at mild case COVID- 19 positive mula sa mga bayan sa ikalawang distrito.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Basud Mayor Adrian Davoco, Pangulo ng Inter Local Health Zone sa ikalawang distrito, sinusubukan naman umano nilang ituloy ang operasyon nito hanggang matapos ang taon.

Pero ang problema ay ang budget lalo’t tumaas pa ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID- 19 kaya’t napuno na ito ngayon na dati naman ay hindi.

“Ngayon po sinusubukan po namin na ituloy po ito hanggang matapos po ang taon pero po yung budget niya talaga kahit po magbigay ng full ng counterpart yung mga LGU’s  sa 2nd district eh parang hanggang June na lang,” ani Davoco.

Mababatid na ang pangunahing pinagkukunan ng pondo para sa operasyon ng naturang pasilidad ay mula sa pinagsama- samang counterpart ng pitong munisipyo sa nabanggit na distrito.

Ang computation sa ibinibigay na counterpart ng mga LGU ay P5 kada populasyon ng isang bayan.

May ilang LGU rin umano na hindi pa nakapagbibigay ng kanilang counterpart para ngayong taon.

At kung hindi na makapagpapatuloy ng operasyon ang TTMF ay ibabalik na ito ng Inter Local Health Zone sa Provincial Government na siyang may ari ng pasilidad.

Ibig sabihin sa TTMF na lamang ng kaniya- kaniyang munisipyo dadalhin ang mga magpopositibo sa sakit na asymptomatic at mild case.

Batay sa pinakahuling datos mula sa Department of Health (DOH) sumipa na sa 94 ang aktibong kaso ng sakit sa lalawigan at 297 na ang kabuuang kaso.

Yan ay matapos na makapagtala ng 16 na bagong kaso nitong Biyernes.

Pito sa mga bagong kaso ay nagmula sa bayan ng Daet na siyang pinakamarami, apat sa Labo, dalawa sa Mercedes at Sta Elena at isa naman sa Paracale.

Umakyat naman sa 189 ang total recoveries matapos madagdagan ng 12 kahapon at umabot na rin sa 14 ang namatay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *