Pinuri ng Department of Health (DOH) National ang Comprehensive Health Plans and Program ng Sorsogon.
Kinilala at pinuri ni DOH Secterary Maria Rosario Vergerie ang pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon sa pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan ng lalawigan.
Kinilala rin nito ang programang Kalusugan, partikular ang inisyatiba ng Doctors to the Household, kung saan bumibisita ang mga doktor sa malalayong barangay na naaayon umano sa programa ng DOH, at pinuri niya ang pagsisikap ng Provincial Government sa pagpapatupad nito.
Kaugnay nito, nangako ang kalihim na tutulungan ang Provincial Health Office (PHO) Sorsogon na i-upgrade mula sa level 2 hanggang sa level 3 ang antas ng Sorsogon Provincial Hospital dahil sa pagtaas ng demand para sa mga serbisyo nito bukod pa sa pagpopondo sa mga kasalukuyang proyekto ng nasabing ospital upang higit pang mapabuti ang mga serbisyo nito.
Pinasalamatan naman ni Gov. Edwin Hamor ang Kalihim sa suporta nito kasabay ng pangako na susunod ang lalawigan sa anumang mga regulasyon na ipatutupad ng DOH upang mabigyan ng mas mabuting pangangalagang pangkalusugan ang mga Sorsoganon.
