Construction worker na high value target, arestado sa Cauayan City

Timbog ang isang construction worker na High Value Target o HVTsa isinagawang buy bust operation ng mga otoridad sa Brgy. Minante 1, Cauayan City, Isabela noong gabi ng Sept. 2, 2021. Kinilala ang suspek na si Erwin Pandi, 30 anyos at residente sa nabanggit na lugar.

Nag-ugat ang naturang operasyon matapos umanong magsumbong ang isang concerned citizen sa PDEA sa pamamagitan ng “Isumbong Mo Kay Wilkins”.

Matapos nito ay isinagawa ang anti-illegal drug operation ng magkatuwang na pwersa ng PDEA RO II Isabela PO, PNP Cauayan at Provincial Intelligence Unit IPPO laban sa suspek.

Nakumpiska ng mga operatiba ang tatlong piraso ng zip lock transparent sachet na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na may timbang na 600 grams at may DDB value na 72,000 pesos.

Nakuha rin ang 17 na piraso ng 500 peso bill na boodle money, isang genuine na 500 peso bill at isang bag.

Samantala, sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Pandi, sinabi niya na hindi sa kaniya ang mga nakuhang iligal na droga.

Salaysay pa niya, nagiinuman sila noong oras na iyon at kukuha lamang umano sana ng sigarilyo sa loob ng kanilang tindahan ngunit nagulat na lamang siya nang biglang may mga operatiba at mga marijuana.

Aminado si Pandi na gumagamit siya noon ng iligal na droga subalit itinigil na nito at hindi rin umano siya nagbebenta. Mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na nasa pangangalaga ngayon ng PNP Cauayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *