Contempt case, inihahanda na ng YBLI laban sa city government; kompanya, nanindigan na hindi sila obligadong kumuha ng business permit para sa kanilang terminal

KORONADAL CITY- INIHAHANDA na ng mga abogado ng Yellow Bus Line Inc o YBLI ang contempt case na isasampa laban sa city government ng Koronadal na pinamumunuan ni City Mayor Eliordo Ogena.

Ito ay dahil sa paglabag ng LGU sa Writ of Execution na ipinalabas ng Regional Trial Court o RTC Branch 42 matapos na ipinasara nito ang private terminal ng YBL noong December 16, 2022 dahil sa kawalan ng business permit.

Sa isinagawang press conference, inihayag ni Board Member Atty. Cecil Diel, spokesperson ng YBLI na liable ang lungsod ng indirect contempt dahil sa pagpapasara nito sa private terminal ng YBLI sa kabila ng utos ng korte na mag-cease and desist o huminto ito sa pakikialam sa kahit na anong paraan sa paggamit at operasyon ng naturang terminal.

Muling nanindigan si Diel na hindi kailangan ng YBLI ng business permit para sa kanilang terminal dahil hindi naman umano ang mga ito nag-nenegosyo o nagpapabayad sa kanilang pasilidad katulad ng paggamit ng comfort room at iba pang amenities.

Aniya, ang pagkakaroon ng private terminal ng YBL ay isa lamang authorized component ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) bilang common carrier.

Dagdag pa nito na mula noon hanggang 2018, mayroong business permit ang YBLI terminal bilang pakikisama sa LGU kahit na hindi ang mga ito obligado na kumuha ng permit.

Ngunit mula noong 2019, hindi na ni-renew ng city government ang kanilang permit dahil hindi na umano naaayon ang operasyon ng terminal sa zoning ordinance ng lungsod, bagay na kinontra naman ni Diel.

Ayon sa opisyal na binigyan ng certification ng City Planning and Development Office (CPDO) ang YBLI kung saan nakasaad na ang kinatatayuan ng kanilang terminal ay pasok sa Commercial II District pursuant sa Zoning Ordinance # 6 series of 2015 at sinertipikahan na conforming o naaayon sa kanyang lokasyon.

Inihayag ni Diel na ang ginawa ng city government ay isang pang-aapi sa kompanya at kawalang-galang sa utos ng korte.

Naniniwala ito na gusto lamang ng city government na pwersahin ang YBLI na lumipat sa City Integrated Public Transport Terminal upang muling mabuhay ang nalulugi na nitong negosyo sa naturang pasilidad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *