Covid-19 patients sa CVMC, muling tumaas; pagkakaroon parin ng home quarantine, isa sa dahilan- CVMC CHIEF DR. BAGGAO

Muling tumaas ang bilang ng mga naka-admit na COVID-19 patients sa Cagayan Valley Medical Center matapos makaranas ng pagbaba sa nakalipas na dalawang linggo kasabay ng pagsasailalim sa MECQ sa lalawigan ng Cagayan.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay CVMC Chief Dr. Glenn Mathew Baggao, sa ngayon aniya ay mayroong 140 cases kung saan 118 ang confirmed at 22 suspected cases na hinihintay ang resulta ng swab test.

Pinakamarami parin sa mga nakalagak na kumpirmadong pasyente sa CVMC ang mula sa Cagayan na mayroong 94; 21 sa Isabela at 3 ang mula sa Cordillera Administrative Region.

Ayon pa kay Dr. Baggao, wala namang mga pasyente ang maituturing na kritikal ang kalagayan o mga naka-intubate bagaman may mga severe cases.

Bagaman may pagbaba naman umano ito noon sa unang tatlong araw na impelmentasyon ng MECQ sa lalawigan.

Gayunman, nagkaroon ng pagtaas aniya ng kaso dahil mayroon paring mga pasyente ang naka-home quarantine na nagreresulta ng hawaan sa mga magkakapamilya o local transmission.

Ilan din aniya sa kanila ang pinipiling mag-home quarantine dahil hindi naman malala ang sintomas na kanilang nararamdaman subalit kalauna’y nakararanas ng hirap sa paghinga kaya’t dinadala sa naturang pagamutan.

Kaugnay nito ayon kay Dr. Baggao, hanggat maari ay hindi sana payagan ang pagkakaroon ng home quarantine dahil hindi maiiwasan na magkakahawaan sa loob ng tahanan.

Nanawagan din si Dr. Baggao sa publiko na palagian parin ang pagsunod sa mga health protocols upang makaiwas sa COVID-19.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *