CAMARINES NORTE- Hindi pa rin naabot ng Camarines Norte ang 80 percent vaccination coverage sa A2 priority group o senior citizen.
Ito ay sa kabila ng tuloy- tuloy na pagbabakuna ng mga Local Government Unit maging sa mga barangay.
Batay sa datos ng Provincial Covid- 19 vaccination operation center hanggang nitong Huwebes, Pebrero 9, nasa 35, 470 sa target na 46, 754 o 75 percent edad 60 anyos pataas ang nababakunahan.
Ang pinakamaliit na bayan ng San Vicente pa lang ang nakaabot o lumagpas pa sa target ng populasyon na dapat bakunahan.
Sa target na population na 833 sa naturang age group 1,009 ang nabakunahan o 121. 1 percent.
Ang Daet naman na may pinakamaraming target ay malapit nang maabot ang isang daang porsiento.
Sa 8, 399 na target population nasa 8, 244 o 98. 2 percent ang nabakunahan na.
Sinusundan ito ng Basud na nasa 89. 5 percent, Capalonga 86. 5 percent at Talisay na may 85. 7 percent.
Ang nalalabing mga bayan ay hindi pa rin nakakaabot ng 80 percent.
Mayroong 72. 4 percent ang Jose Panganiban, 71. 1 percent ang Mercedes, 67. 3 percent ang Labo , 61. 4 ang Vinzons, 61. 1 ang Paracale at 58. 0 percent ang San Lorenzo Ruiz.
