COVID-19 vaccination rollout sa Daraga, Albay para sa A1 to A3 tuloy na muli matapos mabigyan ng special allotment ng bakuna

BICOL—Ipinagpatuloy na nitong Miyerkules ang pagbabakuna sa mga nasa A1 hanggang A3 priority groups sa Daraga, Albay matapos mabigyan ng special allotment ng COVID-19 vaccines.

Sa isang panayam inihayag ni Mayor Victor Perete na ang nasabing mga bakuna ay nirequest nila bilang karagdagan lalo pa at patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kanilang bayan.

Nitong nagdaang araw, aabot sa 100 ang aktibong kaso ng sakit na nananatili sa mga quarantine facilities sa Barangay Anislag.

Aminado si Perete na mayroong mga insidente na may mga residenteng humihiling ng home quarantine pero naging sanhi ng pagkakahawa ng mga kaanak nito kung kaya sa ngayon ay naghihigpit sila sa pagpayag sa pagpapa home quarantine.

Anya, mayroon munang ginagawang evaluation ang Barangay at ang Rural Health Unit upang masigurong mayroong isolation area at ligtas sa hawaan ang bahay ng nagrerequest ng home quarantine.

Naniniwala rin ang alkalde na mayroon nang local transmission sa kanilang bayan lalo na anya at ang ibang mga nasa rural areas ay hindi pa rin naniniwala na mayroong COVID-19 habang ang mag nasa looban naman sa urban barangays ay binabalewala pa rin ang mga health protocol kung saan may mga ayaw magsuot ng facemask.

Pakiusap nito sa mga Daragueno, sumunod sa health protocol dahil nakasalalay dito ang kaligtasan ng lahat.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *