Covid19 house “tagging” iminungkahi ng isang lokal na mambabatas sa Batangas

Batangas -Iminungkahi ng isang lokal na mambabatas na lagyan ng “tag” ang mga bahay na may positibong pasyente ng Covid19 upang makatulong sa pagpapa-prayoridad sa pamamahagi ng ayuda, pagkakakilanlan at contact tracing sa isang lugar partikular sa Batangas.

Unang binuksan ni 5th District BM Bart Blanco ang usapin ng “tagging” sa mga bahay sa kanyang malayang oras sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan kung saan nais nitong idaan sa committee hearing at iimbitahan ang mga ABC President ng bawat bayan upang maimungkahi ang sistemang ito.

Sa hiwalay na panayam ng Brigada News FM Batangas kay Bokal Bart, inisa-isa nito ang kanyang mga layunin sa pagpapatupad ng “tagging” aniya, ito ay para sa awareness ng mga mamamayan sa paligid ng bahay upang sa ganun ay maiwasan na din ang pagbabalewala ng mga nakatira sa bahay na sa dahil sa inililihim ay nagagawa pang lumabas ng bahay at doon posibleng kumalat ang virus.

Binanggit pa ng mambabatas na makatutulong din ito sa contact tracing na kung malalaman ng isang tao na may nagpositibo sa bahay na may tag ay maaring isinumite niya ang kanyang sarili para sa testing.

Higit sa lahat, hindi rin aniya madadamay ang katabing mga bahay na wala naman nagpositibo, magtuloy tuloy pa rin sila sa kanilang pagta-trabaho hindi gaya ng lockdown na marami ang apektado.

Malaki rin ang magagawa nito sa ayuda, maaring ang bahay na may tag na lamang ang bigyan ng kaukulang ayudang pang-medikal, pagkain at kalinga ng lokal na pamahalaan dahilan sa kitang kita naman aniya na sila ang higit na nangangailangan, dagdag pa na posibleng maging ang mga kapitbahay o mga kabarangay ay maaring magbigay din ng ayuda upang agaran gumaling ang mga pasyente na nasa mga bahay na nagpositibo.

Sa huli nilinaw naman ni Bokal Bart na walang dikriminasyon sa kanyang suhestyon dahilan sa hihingin naman ang pagpayag ng may-ari ng bahay, ipapaalam sa kanila kung maari lagyan ng “tag” upang sila ay makatulong din sa pag-iingat sa kanilang kumonidad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *