Crackdown sa POGOs, gawin sa lahat ng uri ng sugal – Sen. Escudero

Nais ng Sorsoganon na senador na si Francis ‘Chiz’ Escudero na buwagin ang lahat ng uri ng sugal at hindi lamang ang POGOs o ang Phil. Offshore Gaming Operators.

Naniniwala kasi ang senador na sini-single out o ibinubukod ang POGOs sa paglaganap ng mga krimen samantalang matagal nang may mga legal na operasyon ng pagsusugal sa bansa sa loob ng maraming taon.

Dagdag pa ng senador, ito ang dahilan kung bakit hindi niya nilagdaan ang committee report ng Senate Committee on Ways and Means na nagrerekomenda ng agarang pagpapahinto ng operasyon ng POGO sa loob ng tatlong buwan mula sa pag-apruba nito.

Mariing sinabi rin nito na sa tingin niya ay ‘’kaplastikan’’ ito dahil ang pinupuntirya lamang ay ang POGOs. Aniya pa, bago ang POGOs ay meron nang prostitution, patayan, kidnapping at meron ding droga sa mga casino sa bansa na ang naglalaro ay mga Pilipino.

Sinabi pa nito na kung bubuwagin ang POGO ay dapat gawin ito sa lahat ng uri ng sugal. Dahil kung iisipin aniya, sa POGO ay foreigner lamang ang puwedeng maglaro habang sa mga casino ay Pilipino ang puwedeng maglaro na nakasisira sa mga pamilya.

Nabatid na tatlo pang senador ang nagpaplanong magwithdraw ng kanilang lagda sa Senate committee report, kinabibilangan ito nina Senators Ronald dela Rosa, Raffy Tulfo at JV Ejercito.

Ang Committee on Ways and Means ay pinapangunahan ni Sen. Sherwin Gatchalian.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *