‘Critical thinking’ ng kabataan, apektado sa NTC closure ng websites – Koko

Naniniwala ang ilang mga mambabatas na tila napasobra ang ginawang hakbang ng National Telecommunications Commission at ng National Security Adviser na ipasara ang ilang mga websites na ‘di umano ay ‘affiliated’ sa mga rebeldeng grupo at mga komunista.

Kahapon nang ipag-utos ng NTC, batay sa hiling ni NSA Hermogenes Esperon, na i-block ang access sa higit 20 websites kabilang na ang website ng NDFP, website ni CPP chair Joma Sison, at iba pang mga independent and alternative media organizations kabilang na ang Bulatlat at Pinoy Weekly.

Ayon kay Senador Koko Pimentel, masiyadong ‘broad’ ang sakop ng order ng NTC.

Posible raw kasing sa ganitong hakbang ay nagiging ignorante ang makabagong henerasyon sa ibang mga perspektibo, o ‘di kaya nama’y ibang mga paraan sa pagresolba ng mga problema.

Paliwanag ni Pimentel, ang pagbibigay ng access sa mga ganitong websites ay nakatutulong para ma-develop ang critical thinking ng mga kabataan.

Maliban pa rito, isa raw itong mahalagang hakbang para mabuo ang kanilang independent thinking.

Sino ba naman nga raw ang ayaw na maging ‘critical thinkers’ ang mga kabataan.

Samantala, para naman kay outgoing Senator Ping Lacson, kung mapatunayan aniyang may koneksyon ang mga blocked websites sa pag-popondo sa mga aktibidad ng CPP-NPA-NDF – magkakaroon nglegal na basehan ang aksyon ng Anti-Terrorism Council at ng NTC.

Sa kabila nito, maaari pa rin aniya itong idulog sa Korte.

Bago ito, matatandaang una nang binatikos ng ilang mga press-freedom advocates, human rights watchdogs, at grupo ng mga mamamahayag ang ‘di umano’y pagtapak sa libreng pamamahayag ng mga alternative media organizations.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published.