LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Civil Service Commission (CSC) Bicol na wala pa silang natatanggap na anumang reklamo tungkol sa mga opisina ng gobyernong lumalabag sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) law sa buong rehiyon ngayong 2023 maging noong nakaraang taon.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Atty. Karina Katerin Bertes ng CSC Bicol ARTA Unit, sinabi niyang ang nasabing batas ay naamyendahan na at tinatawag na ngayong Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Delivery Act of 2018, at mula nang maamyendahan ito, wala pang inire-refer sa kanila ang ARTA na mga opisinang recommended sa mga pagdinig.
Aniya, isa sa mga nakikita niyang dahilan kung bakit wala pa silang natatanggap na mga reklamo ay dahil sumusunod na ang mga ahensya sa mga kinakailangan, lalo na sa mga regulasyon upang magkaroon ng magandang transakyon.
Maaaring satisfied naman ang mga kliyente sa pakikipagtransakyon nila sa mga opisina at walang nalalabag na anomang mga polisiya.