D.A-Bicol, inalerto ang mga magsasaka sa Albay hinggil sa pananalasa ng pesteng Tungro sa mga palayan

BNFM BICOL—Inalerto ng Department of Agriculture (D.A) Bicol ang mga magsasaka sa lalawigan ng Albay kaugnay sa pananalasa ng pesteng Rice Tungro Virus (RTV) sa mga palayan partikular sa ikatlong distrito ng probinsya.

Ayon kay D.A Bicol Information Officer Emily Bordado, nasa 122 hektarya ng mga palayan sa bayan ng Libon ang naiulat na dinapuan ng RTV o tungro virus na naging dahilan ng pagkabansot ng mga palay at mahinang pag-uhay ng mga ito.

Nasa 114 na mga magsasaka ang apektado ng pag-atake ng nasabing virus. Kabilang sa mga sintomas nito sa mga pananim ay ang paninilaw o pagkulay dalandan ng dahon nang paunti-unti hanggang sa kumalat.

Bunsod nito, nagbigay ang D.A ng 20 litro ng insecticide sa Libon Municipal Agriculture Office na ayon kay Bordado kasya na sa 80 hektarya ng apektadong palayan.

Pinulong na rin ni D.A Bicol Director Rodel Tornilla ang kanilang rice technical team upang magbigay ng kinakailangang interventions at ipabatid sa mga magsasaka ang tamang impormasyon hinggil sa nasabing peste sa mga pananim.

Sakali man umanong kailanganin ang massive spraying ay gagamitan ito ng drone pero mas nakikita umano nilang epektibo ang pagsasagawa ng isang community approach upang resolbahin ang problema.

Sa ngayon ay patuloy na minomonitor ng D.A ang sitwasyon.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *