Malabo na ang muling pagpataw ng price cap sa bigas sa mga susunod na buwan kagaya ng hiling ng ilang grupo ng mga magsasaka, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Ayon kay DA Undersecretary for policy, planning and regulations Mercedita Sombilla, sarado na ang ahensya sa posibilidad ng muling pagpapatupad ng price ceiling bagaman bukas naman sa iba pang paraan kung paano mapapanatiling abot kaya ang presyo ng bigas sa merkaso.
Una rito, nanawagan ang grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang pagbabalik sa price cap para maiwasan ang muling pagtaas ng presyo ng bigas at mapanatili muli sa halagang P45 sa kada kilo ng local at imported na well-milled rice.
Hinihiling ng SINAG na sa buwan ng Nobyembre ay muli pa ay iatas ni Pangulong Bongbong Marcos ang price ceiling dahil sa nagbabadyang bagong pagtatangka na pataasin ang retail price ng bigas lalo’t patapos na rin ang harvest season habang panahon naman ng kapaskuhan.