Daan-daang residente ng Poblacion, Datu Paglas, inilikas dahil sa bakbakan ng militar at BIFF

KORONADAL CITY — NAGPAPATULOY ngayon ang putukan sa pagitan ng militar at mahigit sa 100 mga armadong miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF sa Barangay Poblacion, ng Datu Paglas, Maguindanao.

Sa panayam ng Brigada News FM Koronadal kay Datu Paglas Vice Mayor Mohamad Paglas, kinumperma nito na nagpapakiramdaman sa ngayon ang militar at BIFF ngunit may naririnig na mga putok mula sa palengke ng bayan kung saan nagtatago ang ilang armado.

Sinabi ni Paglas na si Islamic State o IS-inspired leader Khagi Karialan, chairman ng grupo ang nanguna sa pag-atake kung saan pinasok ang mga ito ang palengke.

Inako din nito na ilang araw na na-monitor ang nasabing mga armado na mamahinga lamang umano sa Datu Paglas matapos itinaboy ng militar mula sa kampo ng mga ito sa Liguasan Marsh sa Datu Piang, Maguindanao.

Nilinaw din ni Paglas na walang demand ang mga armado at walang negosasyon sa pagitan ng gobyerno at mga teroristang grupo sa halip, hahabulin umano ang mga ito ng militar.

Dahil sa engkwentro, pansamantalang hindi madadaanan ngayon ang national highway sa nabanggit na probinsiya na umuugnay sa Sultan Kudarat, papuntang Davao Region.

Pinasiguro naman ni Paglas na nasa ligtas na sitwasyon ngayon at walang nasaktan sa kanilang mga residente na inilikas dahil sa engkwentro.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *