Dahil sa kantyawan sa inuman, lalaki pinagpapalo ng bato sa ulo

Dugoan nang isugod sa ospital ang isang Orlando Baguio Dionson, 60 anyos matapos na hatawin ng bato ng nakainuman nitong si Mario Mandalupe Permisa sa Purok Maunlad, Brgy. Sta. Monica, Puerto Princesa City.

Ayon sa imbestigasyon ng Police Station 2, inabutan ng mga imbestigador sa isang pribadong ospital ang biktima at nikinuwento nito ang mga naganap bago mangyari ang insidente.

Sinabi ng biktima na ganap na 12:30 ng tanghali nitong Miyerkules ay nag-inuman sila ng suspek sa Billiard Hall kasama ang dalawang iba pa na nauwi sa kantyawan at pikunan.

Sinuntok umano ni Orlando si Mario matapos siyang sampalin nito pero sila’y inawat ng isang alyas Jerry.

Nang matapos ang kaguluhan ay umuwi na ang biktima pero sinundan ito ng suspek at doon siya hinataw ng bato ng ilang beses habang nakabulagta, ayon sa imbestigador.

Samantala, nahuli agad ang suspek ng mga tanod at nahaharap ito sa kasong Attempted murder.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *