Dahil sa taas ng presyo ng petrolyo, negosyante sa Germany gumagamit na ng kalesa papasok sakanyang trabaho

Germany– Pandaigdigang suliranin ngayon ang patuloy na pagtaas at walang humpay na pagsirit ng presyo ng langis sa merkado sa iba’t-ibang bansa at bahagi ng mundo.

Bunsod nito, ang iba ay napipilitan na lamang mag commute, kung malapit ay naglalakad na lamang habang ang iba naman ay gumagamit ng ibang alternatibong pamamaraan at uri ng transportasyo upang maiwasan ang mahal na gastos sa gasolina.

Sa bansang Germany, isang negosyante ang tila bumalik sa nakaraan matapos gumamit ng kalesa bilang kanyang sasakyan papasok sa trabaho.

Ayon kay Stephanie Kirschner, mula nang tumaas ang presyo ng petrolyo ay nag desiyon siyang gumamit na lamang ng kalesa papunta sakanyang pinapatakbong rancho.

Umaabot umano sa mahigit 250 euros o katumbas ng P14,000 ang kanyang natitipid kada buwan, buhat nang itabi niya pansamantala ang kanyang SUV at gumamit ng kalesa bilang mode of transportation.

Matatandaang, ang tensyon na nagaganap ngayon sa pagitan ng Russia at Ukraine at ang pagmahal ng presyo ng gasolina sa “world market” ang ilan sa mga dahilan nang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.### JDR, BNFM Bicol

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *