Dalaga sa Indonesia, binansagang “sleeping beauty” matapos matulog ng 13 araw

Indonesia— Naging bahagi ng ating childhood ang panunuod ng mga cartoons at fairytales kaya’t karamihan sa mga kabataan, kilala ang mga sikat na karakter sa mundo ng fiction gaya na lamang nina Cinderella, Mickey Mouse, Tom and Jerry at iba pang mga Disney Princess.

Sa paglipas ng panahon, ang mga inakala nating kwento sa mga napanuod nating fairytales ay posible din palang mangyari sa totoong buhay. Kagaya na lamang ng buhay ng isang dalaga sa Indonesia, na binansagang real life “sleeping beauty” dahil kaya nitong matulog ng 13 araw o mahigit pa, nang walang gisingan.

Ang dalagang ito ay kinilalang si Sitti Raisa Miranda, mula sa bansang Indonesia na may kondisyon na kung tawagin ay “Kleine-levin syndrome”.

Una itong nadiskubre sa dalaga nang siya ay ipatingin sa doktor ng kanyang mga magulang matapos nitong matulog at hindi magising ng buong araw.

Habang nadaragdagan ang edad ni Sitti, mas lumalala ang sintomas ng kanyang sakit na kilala rin sa tawag na “hypersomnia” dahil mas humahaba pa ang oras at araw ng kanyang pagtulog at katunayan nitong nakaraang buwan ng Abril, inabot ng 13 araw ang pagtulog ni Sitti bago siya nagising.

Pinakakain siya ng kanyang mga magulang maya’t-maya, sa pamamagitan ng pagsubo sakanya ng malambot na pagkain habang nalalaman naman nilang kailangan nitong mag banyo kapag magalaw itong matulog at tila balisa.

Sa ngayon ay wala pang lunas ang naturang sakit kaya’t panalangin ng mga magulang ni Sitti na kahit papaano ay maging madalang ang pag-atake ng sakit ng kanilang anak para makapamuhay naman ito ng normal. Ayon sa datus, 4% hanggang 6% ng populasyon sa mundo ang nakakaranas ng kaparehong kondisyon.### JUMEL DELA ROSA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *