Dalawa ang patay, isa ang sugatan sa aksidente sa Nasugbu, Batangas

Patay ang driver at ang angkas nito sa motorsiklo habang sugatan naman ang isa pang kasama ng mga ito ng maaksidente sa pakurbadang bahagi ng daan sa Nasugbu, Batangas.

Kinilala ng Nasugbu Municipal Police Station ang driver ng motorsiklo na si William Baon, tinatayang nasa 32 anyos at ang dalawang angkas nito na sina Christian Sevilla, 32 anyos at si Renante Derain, 34 anyos na kapwa mga residente ng Sitio Hulo, Barangay Calayo ng nasabing bayan.

Ayon sa imbestigasyon, alas-6:15 ng hapon ng Hulyo 7, 2022 nang maganap ang aksidente na kinasangkutan ng mga ito kung saan habang binabagtas ng mga biktima ang kahabaan ng daan galing Hulo papuntang Centro, Calayo sa Nasugbo.

Nang makarating sa pababang bahagi ng kurbadang daan ay dito na nawalan ng kontrol ang driver ng motorsiklo na naging dahilan para bumangga sa poste.

Dahil sa malakas na pagkabangga ay tumilapon ang mga ito sa kanal na nasa kanang bahagi ng daan.

Nagtamo ng malalang sugat sa ulo ang driver at si Sevilla na naging dahilan ng pagkamatay ng mga ito habang nagtamo rin ng head injury ang isa pang angkas ng motorsiklo at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon sa nangyaring insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *