CAMARINES NORTE – Ibinunyag mismo ng pamunuan ng Camarines Norte Electric Cooperative na mayroong dalawa hanggang tatlong pribadong kumpanya ang pumuporma para i-take over ang operasyon ng kuryente sa lalawigan ng Camarines Norte.
Ito ang sinabi ni Institutional Services Division Manager Mary Ann Moreno sa pagharap nito sa Sangguniang Bayan ng Basud kahapon para hilingin ang suporta ng huli sa application ng fresh 25 years franchise.
Tumanggi si Moreno na banggitin kung sino-sino ang mga ito.
Aniya, nakita raw kasi ng mga kumpanyang ito ang load growth ng Canoreco.
Sabi ni Moreno kapag hindi mapigilan ang mga pribadong kumpanya sa pag take over ng mga electric cooperative, darating ang panahon na sasakupin na ng mga ito ang buong rehiyon.
Sa ganitong sitwasyon lugi umano ang Canoreco at ang member consumer owners dahil gagamitin ang mga resources na ang mga kunsomidores at ang stakeholders ang nagpundar sa mahabang panahon.
Dagdag pa ni Moreno na kapag naisapribado ang Canoreco ay mawawalan na ng boses ang mga kunsomidores hindi katulad ngayon.
Mababatid na naghain na ng House Bill 9147 si Congresswoman Josefina Tallado para sa franchise application ng Canoreco. Kabilang ang resolusyon ng mga LGU na sumusuporta sa franchise application sa documentary requirements na hinihingi ng committee on legislative franchises.
