Patay ang dalawang lalaki matapos umanong mahulog ang sinasakyang motorsiklo ng mga ito sa isang kanal sa Barangay Sampaloc 2, Sariaya, Quezon nitong Linggo, Setyembre 24.
Ayon sa report, binabagtas noon ng motor na minamaneho ni Rogelio Cagas, 38-anyos, ang direksyon patungo sa Barangay Lutucan 1, nang aksidente itong mabundol ng motor na nagmula sa parehong direksyon at minamaneho naman ni Jeremy Ramirez, 24-anyos.



Dahil sa impact, dumere-deretso ang motor ni Ramirez at saka nahulog ito sa kanal.
Dead on the spot si Ramirez at maging ang angkas nito na kinilalang si Renato Ramirez, 51-anyos matapos magtamo ng matinding pinsala sa ulo habang sugatan naman si Cagas kung kaya isinugod ito sa pagamutan.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na ang parehong driver at backrider ay nanggaling sa inuman ng kanilang kaibigan sa Barangay 4 ng nasabing bayan.
Samantala, kasalukuyan pang nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.