Dating pangulong GMA at isa pang Deputy Speaker, tinanggalan ng puwesto sa Kamara

Tuluyan nang pinatalsik ng Mababang Kapulungan ng Kongreso si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo bilang Deputy Speaker.

Sa ginanap na sesyon sa Kamara, pormal na nagmosyon si Cagayan First District Representative Ramon Nolasco Jr. para iluklok bilang Deputy Speaker si Isabela Representative Tonypet Albano kapalit ni Arroyo.

Tinanggal din bilang Deputy Speaker si Davao City Representative Isidro Ungab at ang ipinalit ay si Lanao del Sur Representative Yasser Alonto Balindong.

Walang tumutol sa mosyon ni Nolasco.

Sa isang hiwalay na statement, ipinaliwanag ni House Majority Leader Mannix Dalipe na ang desisyon na sibakin sina Arroyo at Ungab ay dumaan sa masusing deliberasyon.

Pangunahing dahilan aniya na mula sa siyam na Deputy Speakers, silang dalawa lang ang hindi lumagda sa House resolution na nagpapahayag ng buong suporta sa liderato ni Speaker Martin Romualdez at kahandaang ipagtanggol ang integridad at reputasyon ng Kamara.

Sinabi ni Dalipe na iginagalang ng liderato ng Kamara ang opinyon at pasya ng bawat miyembro subalit may kaakibat na responsibilidad ang paghawak ng leadership positions.

Sa kaso nina Arroyo at Ungab, ipinakita umano nila ang salungat na pananaw mula sa nagkakaisang paninindigan ng liderato laban sa mga pag-atake sa institusyon.

Dagdag pa ni Dalipe, bagama’t inirerespeto at nagpapasalamat sila sa kontribusyon ng dalawang kongresista sa Kongreso, naniniwala ang liderato na “best interest” ang pagkakaroon ng mga pinuno na buo ang suporta sa nagkakaisang desisyon at direksyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *