DBM, nagpaliwanag sa Kamara ukol sa legalidad ng paglilipat P125-M confidential funds sa OVP

Ibinunyag ni House Appropriations Committee Chairman Elizaldy Co na lumiham si Budget Secretary Amenah Pangandaman upang magpaliwanag hinggil sa paglalabas ng 125 million pesos na pondo sa Office of the Vice President noong nakaraang taon.

Ayon kay Co, nilinaw ni Pangandaman sa naturang liham na hindi umano nalabag ang power of the purse ng Kongreso nang ilabas ang pondo.

Nanggaling aniya ang halagang ipinagkaloob ng Office of the President sa OVP sa pitong bilyong pisong Contingent Fund upang suportahan ang Good Governance Engagements and Social Services projects ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte.

Iginiit umano ni Pangandaman na bahagi lamang ito ng kabuuang 221.42 million pesos na naibigay sa OVP mula sa Contingent Fund na nasa ilalim ng 2022 General Appropriations Act.

Dagdag pa ng kalihim kay Co, walang limitasyon ang paggamit ng contingent fund sa isang partikular na ahensya o tanggapan maliban na lamang sa pagbili ng sasakyan.

Una rito, nilinaw ng Office of the Executive Secretary na inilabas ang naturang pondo alinsunod sa Special Provision Number 1 sa ilalim ng 2022 Contingent Fund.

Dito ay binibigyan ng kapangyarihan ang OP na aprubahan ang paglalabas ng pondo na siyang sasakop sa funding requirements ng bago o urgent activities na ipatutupad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *