DBM Sec. Pangandaman tiniyak na susunod sa Ombudsman kaugnay sa inilabas na desisyon laban sa mga dating opisyal ng DBM

Inatasan na ni Department of Budget and Management o DBM Secretary Amenah Pangandaman si Procurement Service Executive Director Dennis Santiago na ipatupad na ang naging desisyon ng Office of the Ombudsman na sampahan ng graft charges ang mga nasasangkot sa maanomalyang pagbili ng COVID-19 test kits.

Kabilang dito sina dating PS-DBM Director Warren Liong at Procurement Management Officer Paul Jasper de Guzman gayundin kina Webster Laureniana, August Ylagan, Jasonmer Uayan, at Christine Marie Suntay at sa mga opisyal ng Pharmally kaugnay sa pagbili ng gobyerno ng apat na bilyong pisong halaga ng RT-PCR test kits.

Ayon pa sa kalihim, tutugon din ang DBM sa desisyon ng Ombudsman hinggil kay dating DBM Undersecretary Christopher Lao.

Matatandaang pinatawan din ng Ombudsman ng parusang pagkakasibak sa serbisyo, pagbawi sa retirement benefits at habambuhay na pagbabawal na makahawak ng pwesto sa gobyerno ang mga nabanggit na opisyal dahil sa kasong administratibo, pero dahil wala na sa serbisyo ang mga ito, ang dismissal na parusa ay gagawing multa na katumbas ng isang taong sweldo ng mga akusado.

Muli namang nanindigan ang DBM sa kabila nito, patuloy nilang itataguyod ang prinsipyo ng transparency, mabuting pamamahala, accountability at mahigpit na pagsunod sa rule of law.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *