DBM Secretary Wendel Avisado, naka-medical leave matapos tamaan ng COVID-19

Sumailalim si Budget Secretary Wendel Avisado sa dalawang linggo na medical leave, simula ngayong araw matapos nitong maospital dahil sa COVID-19.

Sa isang pahayag ay sinabi ng Department of Budget and Management na na-ospital si Avisado sa loob ng 8 araw, at na-quarantine ng mahigit isang buwan.

Ayon sa ahensya, inabisuhan ng doktor si Avisado na kumuha ng serye ng mga pagsusuri, lalo na at 14 na taon na ang nakalilipas mula nang siya ay magkaroon ng quadruple open heart bypass.

Sa ngayon ay si DBM Undersecretary Tina Rose Marie Canda na muna ang magsisilbi bilang officer-in-charge mula August 2-13.

Tiniyak naman ng DBM na nanatili itong comitted sa kanilang mandato na isulong ang episyente at epektibong paghawak sa pambansang pondo para suportahan ang budget priorities ng gobyerno lalo na sa gitna ng pandemya.

Samantala, inihayag naman ni DBM spokesman Rolando Toledo na sa kabila ng leave ni Avisado ay plano ng ahensya na ituloy ang paghahanda sa 2022 national expenditure program (NEP), na inaasahang maipapasa nito sa Kongreso bago ang deadline na August 25.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *