Kinumpirma ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Bicol na may mga nakitang water birds sa rehiyon nitong buwan ng Enero 2023.
Ayon sa tanggapan, taunang isinasagawa ang census ng Asian Water bird Census (AWC) sa rehiyon tuwing Enero kasama ng mga internasyonal na sensus sa Africa, Europe at Neotropics sa ilalim ng International Waterbird Census (IWC).
Dagdag pa rito, katuwang ang iba’t ibang mga ahensya tulad ng Conservation and Development Division (CDD) sa pamamagitan ng Protected Area Management and Biodiversity Conservation Section (PAMBCS), Provincial Environment and Natural Resources Offices (PENROs), Community Environment and Natural Resources Offices (CENROs), mga local government units (LGUs) at mga bird photographers.
Nakapagtala ang AWC ng iba’t ibang critical habitat at wetlands sa mga lalawigan ng Albay, Sorsogon, Camarines Sur, Camarines Norte, Catanduanes at Masbate.
Namataan din ang iba’t ibang uri ng ibon kagaya ng yellow bittern, white-browed crake, tufted duck, wandering whistling duck, cattle Egret, great egret at marami pang iba.
Ang isinagawang aktibidad ay naglalayong turuan ang publiko patungkol sa kahalagahan ng wetland sites at ang mga ibong naninirahan sa rehiyon.
Samantala, nanawagan din sa publiko si DENR Bicol Regional Executive Director Francisco Milla, Jr. na makiisa sa pangangalaga ng mga hayop at kapaligiran.
Ito ay bahagi rin ng pagsunod sa Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.