DepEd, pinalawig ang early registration sa mga public schools

Pinalawig ng Department of Education ang early registration para sa mga incoming Kindergarten, at Grades 1, 7 at 11 students sa mga public schools hanggang sa katapusan ng buwan.

Sa isang advisory ay sinabi ng DepEd na patuloy na tatanggap ang mga pampublikong paaralan ng early registrants hanggang May 31, na isang buwan na mas matagal kumpara sa orihinal na katapusan ng early registration period na April 30.

Base sa huling datos ng DepEd, ay umabot na sa mahigit 4.2-million na estudyante ang nakapag-sign up na sa early registration na noong March 26 pa sinimulan.

Karamihan ng mga nagparehistro ay ang mga incoming Grade 1 students na aabot sa mahigit 1.4-million, sinundan naman ito ng Grade 7 na may mahigit 1.04-million, Kindergarten na may 919,428 at Grade 11 na may 794,768.

Kinokonsidera naman ng DepEd ang mga incoming students ng Grade 2-6; 8-10 at 12 bilang pre-registered na dahilan kung bakit hindi na nila kailangan magpartisipa sa early registration.

Ipinunto ng DepEd na pwedeng magawa ang remote application online o sa text, habang ang physical registration naman sa mga paaralan at barangay sa low risk areas, ay dapat istriktong sumunod sa mga public health at safety protocols.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *