DepEd: Studs na nagpa-enrol para sa SY 2021-22, pumalo na sa 26.3 M

Ibinahagi ng Department of Education na nalampasan ang bilang ng mga enrolees para ngayong School Year 2021-2022 ang datos noong nakaraang taon.

Batay sa latest enrolment figure ng Deped, nasa 26,308,875 na mga learners ang nakapagparehistro na para sa kasalukuyang taon, lampas sa 26,227,022 mula noong nakaraang taon.

Karamihan umano sa mga enrolees ay naitala sa mga pampublikong paaralan sa 20,029,767, habang 1,668,489 at 53,292 na mga estudyante naman ang naitala sa mga pribadong paaralan at state o local universities at colleges.

Sa datos pa ng ahensya, ang Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) region ang nananatiling may pinakamaraming enrolees sa 3,440,205, habang ang Cordillera Administrative Region ay may pinakamababa sa 462,338.

Positibo naman ang Deped na lalo pang tataas ang naturang bilang matapos na palawigin ang enrolment period hanggang sa September 30, 2021.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *