DepEd tiniyak na may skeletal workforce sa kabila ng partisipasyon nito sa opisyal na pagbubukas ng Bantayog Festival ngayong araw

CAMARINES NORTE- Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na mayroong maiiwang skeletal workforce sa Division Office  sa kabila ng partisipasyon nito sa gagawing civic and military parade mamayang hapon sa opisyal na pagbubukas ng 103rd Founding anniversary celebration ng Camarines Norte at 19th Bantayog Festival.

Sa isinagawang Flag Raising ceremony kaninang umaga inanunisyo ni Division Administrative Officer V Antonio Ahmad ang mga pangalan ng mga bubuo sa skeletal work force na maiiwan sa opisina.

Ito ay upang masiguro na walang mababalam na mga transaksyon at tuloy- tuloy ang daloy ng serbisyo.

Inatasan din ang supply officer ng ahensiya na ihanda ang SDO banner na gagamitin sa parada.

Tiniyak naman ni Schools Division Superintendent Crestito Morcilla ang suporta ng DepEd sa Provincial Government sa mga aktibidad ng Bantayog Festival.

Simula naman ngayong alas 12 ng tanghali ay wala nang klase sa lahat ng antas dito sa bayan ng Daet para magbigay daan sa parada.

Sarado rin ang mga pangunahing kalsada sa kasentruhan partikular ang mga dadaanan nito alinsunod  sa Executive Order ni Governor Ricarte “Dong” Padilla.

Samantala, maaga pa lamang kanina ay naka-deploy na ang kapulisan sa mga pangunahing lugar dito sa bayan ng Daet para sa paghahanda sa naturang aktibidad.

Tampok ang mga makukulay na banderitas at flaglets sa kasentruhan ng Daet.

Kaugnay naman nito ay tiniyak din ng Provincial Health Office na naka- antabay ito sa anumang emergency response hindi lang ngayong araw kundi sa buong panahon ng Bantayog Festival.

Ang mga sasama sa parada ay pinapaalalahanang magbaon ng tubig upang hindi ma- dehydrate sa gitna na rin ng matinding init ng panahon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *