Di pagbibigay ng ayuda sa mga health protocol violators, di maaari – DILG

Hindi maaaring i-hold o hindi ibigay ng lokal na pamahalaan na nasa ilalim ng enhanced community quarantine o ECQ ang ayuda para sa mga nahuhuling lumabag sa health protocols.

Ito ang binigyang linaw ni Department of Interior and Local Government o DILG spokesman Jonathan Malaya kasunod sa anunsyo ni Biñan City Mayor Arman Dimaguila na hindi bibigyan ng ayuda ang mga mahuhuling lalabag sa mga health protocols.

Sa inilabas na anunsyo ng alkalde, sinabi nitong hindi nila umano ibibigay ang P1,000 na ayuda sa kanilang mga residente na matitigas ang ulo at hindi sumusunod sa mga health protocols.

Giit ni Mayor Dimaguila, dahil sa pandemic ngayon ay hindi rin nila mati-tiketan o mapamulta ang mga mahuhuling hindi nagsusuot ng facemask, mga lumalabas na hindi APOR, hindi nag-oobserba ng physical distancing at iba pang paglabag.

Anya may listahan sila ng talagang matitigas ang ulo para maging basehan na kapag dumating na ang ayuda ng mga ito ay hindi ibibigay sa kanila.

Pero hindi sang-ayon dito ang DILG bagama’t karapatan naman umano ng bawat LGU na singilin ang mga lumalabag sa kanilang mga ordinansa.

Sinabi ni Malaya na ang nararapat na gawin ay ibigay ang ayuda at saka kokolektahin mula doon ang multa sa ginawang bayolasyon.

Giit ng opisyal, ang ayuda ay sadyang nakalaan sa isang inbidwal dahil sa ECQ at nararapat na maibigay ng LGU.  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *