DILG national validation team nasa Camarines Norte ngayon para sa on site visit at serye ng mga interview para sa SGLG award

CAMARINES NORTE – Nagsasagawa ngayon ng validation dito sa Camarines Norte ang team ng Department of the Interior and Local Government (DILG) mula sa central office sa potential passer ng 2023 Seal of Good Local Governance (SGLG) Award.

Dalawang munisipyo sa Camarines Norte ang pumupuntirya sa 2023 SGLG, ito ang Basud at Paracale.

Kahapon ay nagtungo ang validation team sa LGU Basud sa pangunguna ni Local Government Operations Officer V Elmer Tomagan.

Ayon kay Tomagan malaking hamon ngayon ang pagsungkit sa SGLG award dahil hindi na lang ito sa DILG kundi iba’t- ibang ahensiya ng gobyerno ang nagbibigay ng indicators.

Nagsagawa ng on- site inspection ang team pagkatapos ay isinunod ang interview sa ilang key personnel.

Kumpiyansa naman si Mayor Adrian Davoco na masusungkit ng LGU Basud ang SGLG award ngayong taon.

Ang SGLG ang pinakamataas na pagkilala na ibinibigay sa mga LGU na nagpapakita ng maayos, matinong pamamahala at mahusay na delivery ng basic services.

Gayunman, aminado ang Alkalde na hindi madali ang ilang indicators lalo na ang usapin sa basura at nutrisyon na karaniwan ay matagal nang problema ng mga LGU.

Kapag SGLG awardee ang isang LGU ay mayroon itong natatanggap na pondo sa national government. Entitled din sa performance based bonus ang mga empleyado.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *