DILG sa mga barangays: ipatupad ang kasambahay registration system

Hinimok ng Department of Interior and Local Government ang mga punong barangay at barangay officials sa bansa na ipatupad sa kani-kanilang mga nasasakupan ang registration system sa mga kasambahay.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, mababa umano ang turnout ng kasambahay registration sa bansa at kailangan ang tulong dito ng mga barangay chairman.

Batay sa kanilang datos, umaabot lamang sa 3,359 mula sa kabuuang 42,046 na mga barangay sa buong bansa ang may mga registered na mga kasambahay o katulong.

Ang hindi umano pagpaparehistro sa mga kasambahay ay hindi pagsunod sa Republic Act 10361 o “Batas Kasambahay.”


Layunin umano nitong mabigyan ng proteksyon ang karapatan ng mga kasambahay at maiwasan ang anumang pang-aabuso at economic exploitation ng kanilang mga amo.

Nararapat umano na maging proactive ang mga punong barangay sa pagpapatupad nito sa kanilang nasasakupan.

Sa ilalim ng naturang batas, nararapat na irehistro ng mga employers ang mga kasambahay sa Social Security System, Philippine Health Insurance Corporation, at Pag-IBIG.

Sa buong bansa, ang Region 5 ang may pinakamataas na compliance sa registration system na sinundan ng Region 6 at Region 8.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *