Diocesan way of the cross muling isasagawa sa Ash Wednesday, mga makikilahok sa misa at prusisyon pinaalalahanang sundin ang health protocols

CAMARINES NORTE – Muling isasagawa ngayong taon ang Diocesan Way of the Cross sa Miyerkules ng Abo o Ash Wednesday na hudyat naman ng pagsisimula ng kuwaresma para sa mga mananampalatayang katoliko.

Pero hindi tulad noong pre-pandemic years, may mga ipapatupad pa ring restrictions ang simbahang katolika ngayong taon.

Noong bago tumama ang COVID- 19, ginagawa ang pang Diyosesis na Daan ng Krus mula sa Paroquia De San Juan Bautista patungong Holy Trinity Cathedral at dumadaan sa kasentruhan ng Daet kung saan may mga istasyon ng krus na ang mga eksena sa pagpapakasakit ni Hesukristo ay isinasadula ng mga kabataan.

Pero nang tumama ang pandemya at payagan muli ang mga religious activities ay hindi na muna ginagawa ang dating nakagawian.

Mayroong dalawang bahagi ang motorcade procession na magsisimula sa Parish of St. Lucy sa Capalonga kasama ang imahen ng Poong Nazareno.

Dadaan ito sa Parishes of St. Didachus sa Bagong Silang, Holy Family sa Talobatib, St. John the Evangelist sa Labo,  San Pedro de Apostol sa Vinzons, Fatima Shrine sa Mangcawayan, Vinzons, at St. Francis of Asissi sa Talisay kung saan gagawin ang ikapitong istasyon.

Bago mag alas 12 ng tanghali ay inaasahang darating sa Holy Trinity Cathedral ang imahe ng Poong Nazareno mula sa Capalonga.

Magkakaroon ng Pontifical Concelebrated Mass sa Holy Trinity Cathedral sa ganap na alas 3 ng hapon na pamumunuan ni Bishop Rex Andrew Alarcon.

Pagkatapos ng misa ay sisimulan ang ikalawang bahagi ng daan ng krus.

Mula sa katedral ay magtutungo sa Parish of St. Joseph Husband of Mary sa Lag-on kasama pa rin ang imahen ng Poon, at sa iba pang mga parokya tulad ng Divine Mercy sa Alawihao, St. Raphael the Archangel sa Basud, San Juan Bautista sa Daet, Our Lady of Peñafrancia sa Gubat, Daet hanggang sa St. Anthony of Padua sa Mercedes kung saan naman gagawin ang ikalabingtatlong istasyon.

Pagkatapos nito ay babalik sa katedral para dito gawin ang huli o ikalabingapat na istasyon at panghuling panalangin.

Alas 8 ng gabi ay ililipat ang imahen ng Poon sa Divine Mercy sa Alawihao at dito ito mananatili ng isang gabi bago ibalik sa kaniyang orihinal na tahanan sa Capalonga.

Nagpaalala naman ang simbahan na panatilihin pa rin ang social distancing at health protocols sa pagsasagawa ng daan ng krus.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *