Diocese of Marbel, nanawagan sa agarang pagpapahinto sa coal mining operation sa Ned

KORONADAL CITY- UMAPELA si Bishop Cerilo Casicas ng Diocese of Marbel kay South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr at mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan na i-recall o bawiin ang Resolution No. 553 series of 2021 na nag-eendorso sa coal mining project sa Barangay Ned, Lake Sebu.

Nanawagan din si Bishop Casicas sa agarang pagpapahinto sa coal mining operation.

Sa ginanap na press conference kamakailan lamang, inihayag ni Bishop Casicas na ang strip mining method na ginagamit ng San Miguel Corporation (SMC) sa pagmimina ng coal ay isang open pit mining na mahigpit na ipinagbabawal at bayolasyon sa Environment Code.

Dagdag pa nito na hindi kinonsulta ng kompanya ang mga residente sa naturang lugar kaugnay sa isasagawang pagmimina.

Binigyang diin din ng Obispo ang masamang epekto ng pagmimina sa kalikasan at sa tao.

Umaasa si Bishop Casicas na pakikinggan ng gobernador at ng SP ang kanilang apela at ang boses ng 59, 824 na mga indibidwal na lumagda sa signature campaign para sa pagpapahinto ng pagmina sa Ned.

Ang mga nakalap na pirma at iba pang mga dokumento ang isinumite na ng grupo sa provincial government.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *