Dissolved oxygen level sa Taal Lake, nananatiling mababa – BFAR-4A

Mahigpit na minomonitor ngayon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR-4A ang mababang oxygen level sa Taal Lake, Batangas.

Batay sa resulta ng isinagawang regular na pagsusuri ng kalidad ng tubig sa lawa, lumabas na mababa pa rin ang sukat ng dissolved oxygen sa mga fish cage areas sa mga bayan ng Agoncillo, Laurel at Talisay.

Partikular na isinagawa ang pagsusuri sa mga fish cages sa Sitio Manalaw sa Subic Ilaya, Brgy. Bilinbinwang at Brgy. Bañaga sa Agoncillo; Brgy. Buso-Buso at Brgy. Leviste sa Laurel at Brgy. Sampaloc sa Talisay.

Sa naturang resulta, mababa sa nararapat na level of dissolved oxygen na 5 milligrams per liter (mg/L).

Ayon kay BFAR 4-A Director Sammy Malvas, ang nasabing pagbaba ng dissolved oxygen ay maaaring dulot ng pabago-bagong klima sa lawa.

Kaugnay nito ay pinaalalahanan ng ahensyan ang mga fish cages owners o operators sa naturang mga bayan na mas paigtingin ang pagbabantay sa mga alagang isda.

Nararapat na umanong anihin ang mga malalaking isda o maituturing na marketable stocks para maiwasan ang pagsisikip sa mga cages.

Gawin din umano ang mga nararapat na hakbang tulad ng paggamit ng oxygen tanks, pump at engine sets.

Una rito ay umabot sa 43 cages sa bayan ng Agoncillo ang apektado ng nangyaring fish kill kung saan mahigit 30 tonelada ng isdang Tilapia na nagkakahalaga ng 3 milyong piso ang namatay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *